Thursday, September 23, 2010

baby love




Habang nagpapamedical ako sa may UN Avenue at naghihintay na tawagin ang pangalan ko, nakatabi ko itong bata na ito. Una titingin tingin lang siya sa akin pero ng nagtagal aba nagpapapansin na. Kung saan ako pupunta at uupo pupunta din siya dun sa lugar kung saan tanaw nya ako at susulyap sulyap. Kakyut na bata, sarap isilid sa bag at infairness marunong pumili. harhar. Siguro siya ang magiging future ko. Ambisyosa, hahaha.


Monday, September 13, 2010

14

Bukas, bukas sana natin ipagdidiwang ang isang taon at anim na buwan natin pagiging magjowa pero ganun ata talaga, hindi tayo lagi magkasundo, lagi ako irita sayo kahit wala ka ginagawa na masama, lagi na lang tayong nag-aaway kahit sa maliliit na bagay na hindi naman dapat pinag-aawayan. Oo, ako naman talaga ang may kasalanan, ako ang unang sumuko. Hindi ako magaling magbalanse sa mga bagay-bagay at lagi na lang meron akong sinusuko. Mas pinipili ko ang tama at hindi ikaw yun. Pasensya ka na, hindi ako kasing tapang ng inakala mo. Oo duwag ako, hindi kita kayang ipaglaban sa kanilang lahat. Sa totoo lang takot talaga akong magmahal ng sobra, lagi ko pinipigilan ang sarili ko na magmahal at takot ako masaktan katulad ng mga kaibigan ko.

Ayokong nakikita kang ganyan na nasasaktan at malungkot dahil alam mo ba na mahal na mahal pa rin naman kita. Hindi naman ganun kadali na kalimutan lahat ng nangyari sa atin, lahat ng challenges at hirap na pinagdaanan natin. basta just give me time to think, actually kung papapiliin ako, ikaw pa rin naman ang gusto kong makapiling at mahalin. Wag ka sana magsawa na antayin at mahalin ako. Babalik ako sa takdang panahon pag okay na ang lahat.

Friday, September 10, 2010

Rant

Pinakaayoko sa lahat ay yung paggamit ng public restroom lalo na sa mga fast-food chains like McDonalds. . Katulad ng nangyari sa akin kahapon, ang tagal ko nakapila at ng lumabas yung babae nakasimangot siya. E ano ba pinaggagawa nya sa loob ng cubicle? At hello public CR ito , edi sana bumili siya ng sarili ng CR at ng hindi siya minamadali. Sana lang matuto siyang mahiya dahil hindi lang siya kailangan gumamit ng toilet at higit sa lahat wag na wag nya ako sisimangutan dahil hindi siya kagandahan, kung makapagmake up akala mo pupunta sa party at hindi sa school. Kung hindi lang ako nakapagpigil baka kung ano na nagawa ko sa babae na iyon.

Wednesday, August 18, 2010

Wanted Perfect Man like my Papito

Mahal ko ang tatay ko, kahit tinotopak siya minsan sa maliit na bagay ay palagi pala siyang may topak, e okay lang sa akin. Mamimiss ko din naman yung topak nya pag wala siya dito. Ang sinabi ko sa sarili ko dati na kung mag-aasawa ako gusto ko katulad ni Tatay. Katulad nya na inuuna muna ang pamilya kesa sa kanyang sarili, magsasakripisyo para lang mapabuti ang buhay namin at makakain kami ng tatlong beses sa isang araw at yung paninindigan niya para sa amin laban sa ibang tao (ninja).

Bakit ang drama ko? WOLO LONG. hoho. Naappreciate ko lang si Tatay lalo, kasi kahit na napakapasaway ko at lagi rin tinotopak pilit pa rin nya ako iniintindi. Tsaka kaya lang naman siya naghihigpit pagdating sa lalaki ay sa kadahilanan na ayaw na ako masaktan, kasi kung di nyo natatanong babaero si tatay dati (may pinagmanahan lang po. ehem. joke) pero kahit ganun siya hindi nya kami pinabayaan at feeling ko naman nagtino na siya ngayon. Hello lang, umayos na siya, ang tatanda na namin at baka kami pa makahuli sa kanya. haha.

I love you tatay :)



Sunday, August 8, 2010

trabaho

Nagpunta ako sa mall nung isang araw at nakakita ako ng dress na pwede kong gamitin sa event na pupuntahan ko. Ang problema ko wala akong pambili. Nakakahiya namang humingi kina tatay at ang dami nilang gastos. Hay, ang hirap ng walang trabaho. Trabaho lumapit ka sa akin. Nahihirapan na ako. Taghirap na ang lola mo.

Tuesday, August 3, 2010

Understanding Bestfriend :)

Kung yung last post ko ay about sa pag-eemo ko, e ngayon masaya na ako ulit. Nakapag-usap na kami at nasabi ko na ang dahilan kung bakit ako nagdesisyon ng ganun at mukhang naintindihan naman nya yung point ko. Aayusin ko muna ang sarili ko at ang career ko bago ang love. Sinabi ko pa nga sa kanya na, "bestfriend na lang kami", kaso may bestfriend ba na nakahug pa sayo at ang sweet-sweet lang? haha. Parang tanga lang pero at least okay na kami at pinagbigyan nya ako sa hiniling ko.

Syempre ayoko naman na hindi na kami magpapansinan, nag-umpisa kami sa magkaibigan tapos bigla na lang mawawala yun dahil sa paghihiwalay namin. Buti na lang understanding siya. Well kung kami talaga poreber, e di kami talaga. Ganun lang yun. haha:)

Saturday, July 31, 2010

emo

mahirap magdesisyon na alam mo may masasaktan ka pero minsan kailangan mo itong gawin upang mas makapag-isip ka at magkaroon ka ng oras para sa sarili mo :(

oo, emo na naman ako. nalulungkot ako. gusto kong makalimot. gusto kong magpakalayo layo sa lugar na walang nakakakilala sa akin. gusto ko namang sumaya.

Wednesday, July 28, 2010

Tapang

Naranasan mo na ba sumakay sa isang bus na nagkaroon ng rambol sa loob? Ako naranasan ko na at nakakatakot na experience iyon para sa akin.

Papauwi ako nun galing sa review ng makasakay namin ang mga estudyante na hindi ko na lang sasabihin ang school, nagtataka kami lalo na ako kung bakit sila tingin ng tingin sa likod. Akala ko kami ang tinitingnan nya, kaya ko naman bilang mataray na babae, tinitingnan ko din siya. E nagkamali ako, habang papalipat kami ng kasama ko sa kabilang upuan at habang nakatayo kami, biglang tumayo ang mga estudyante at pumunta sa likuran at pinagsisipa ang isang lalaki dun na schoolmate nila. Gulat at takot ang aming naramdaman dahil nakatayo kami dun sa gitna at bigla biglang napasiksik kami sa gilid upang makaiwas sa gulo. Nawala ang tapang ko, kalalaki kaya ng mga lalaki at ang dami nila. Bigla na lang ako napadasal at nagpasalamat sa Diyos na walang ibang nangyari sa amin. Sana hindi na maulit ang pangyayari na yun dahil natakot talaga ako. Umurong lahat ng tapang ko sa katawan.

Thursday, July 22, 2010

Monday, July 19, 2010

haberday!





Happy Birthday Robin.

Sana lahat ng pangarap mo matupad at lagi mo tatandaan na ang mga pangaral nina tatay at nanay ay para sayo naman, para maging maganda ang buhay mo in future. Mahal na mahal ka namin baldo at sana MAGMATURE KA NA. love you!

Thursday, July 15, 2010

Perpekto

Maraming klase ng tao ang meron sa mundo, may matalino, may perpekto yung tipong lahat na ata ng biyayang galing kay Lord nasalo nila at meron din namang tao na medyo kulang kulang, hindi perpekto yung sakto lang. 

Aminado ako, hindi ako perpektong tao. Hindi ako yung taong magaling at alam lahat ng bagay ng nangyayari. Aminado ako minsan hindi ko agad naggets ang mga bagay-bagay. Sorry lang hindi kasi ako kasing bright ng iba dyan. Hindi ko nga alam kung bakit napapasama ako sa honor list nung elementary at highschool ako, at kung bakit nakakuha ako ng academic award nung college ako. 

Ewan ko kung ano ba ang problema sa akin. Pero ang sa akin lang naman, wag sana kayo maghusga agad kung hindi ko kayo minsan naiintindihan, pasensya na, tao lang ako. hindi ako perpekto katulad nyo pero ginagawa ko ang lahat para maging perpekto ako sa ibang tao at lalo sa inyong lahat. 

Sana minsan wag kayo agad manghusga, nakakasakit kasi. Alam mo yung feeling na lumulubog ka sa lupa, ganun ang nararamdaman ko. Yung tipong wala ka nang ihaharap na mukha sa ibang tao at sana kung kaibigan ko kayo o tinuturing nyo ako na kaibigan wag naman sa harap ng maraming tao nyo ako husgahan, napapahiya din naman kasi ako. Okay lang naman sa akin icorrect nyo ako, maganda nga yun kasi may natutunan ako na bagong informations. Ang masakit lang kasi sa akin, kaibigan ko kayo tapos ganyan ang ipaparamdam nyo sa akin. Hindi nyo lang alam kung gaano nyo ako nasaktan emotionally.

Pero sa totoo lang, hindi talaga ako galit sa inyo, siguro kailangan ko lang kasi talagang ilabas itong nararamdaman ko. Kasi ang tagal tagal na nito baka bigla na lang ako sumabog. Salamat sa nagbasa. Nawa ay nakarelate kayo kahit papaano. 

Tuesday, July 13, 2010

panaginip at halik

Panaginip, minsan meron masama at magandang panaginip pero syempre dun tayo sa maganda. Dinadala ka nito sa mga lugar at pangyayari na gusto mo kasama ang taong hanggang pangarap mo lang pwede makasama.

Katulad kagabi napaginipan kita, actually first time kita mapaginipan at ang saya kasi magkasama tayong maglakad at nagkkwentuhan tapos bigla ka tumigil sa paglalakad, sinara ang gate para walang makakita na ibang tao at bigla mo ako hinalikan. Sweet kiss lang naman ang ginawa at hindi yung malaswa. Conservative pa rin naman ang mga panaginip ko. Haha. Anyways balik tayo sa panaginip ko, after na magkiss tayo nakangiti ka sa akin at hinawakan mo ang aking kamay at sabay tayong naglakad papunta sa mga kasama natin at the rest hindi ko na matandaan basta alam ko masaya tayo after natin magkiss.

Sana totoo siya, na masaya tayo pag magkasama tayo syempre bonus na yung kiss no. Haha. Sana kung magkatotoo man siya, pangako ko sayo na mamahalin kita ng tunay at wagas.

Friday, June 11, 2010

:(

bakit ba ako biglang naging affected sa mga nakita ko na pictures? hindi naman ako dapat maging affected dahil una hindi ko na siya mahal o mali mahal ko pa rin kaya siya. hay, dapat nga maging masaya na lang ako para sa kanya dahil alam ko na masaya na siya at mahal na mahal din siya ng girlfriend nya. iniisip ko sana ako na lang ang girlfriend nya e di sana hindi ako nagkakaganito at naguguluhan.

Saturday, May 29, 2010

Pagkain

Bakit ba ang hirap ayawan ng pagkain? Nahihirapan na ako magbawas ng timbang. Tipong sa una aayaw ayaw ka pa tapos sa huli susuko ka na lang din dahil di mo mapigilan ang sarili mo sa mga nakikita mo na pagkain. Hay bakit kasi pinanganak ako na matakaw at madaling tumaba, tapos ang tamad tamad ko pa pumunta sa gym dahil feeling ko mamanyakin lang ako dun. Nakakatamad din naman magjogging dito sa amin dahil ang mga kasabay mo e naglalakihang mga truck ng basura o di kaya mga tricycle o mas malala hahabulin ka pa ng mga asong gala sa kalye.

Ang laki ng problema ko no? Pangarap ko na kasi dati pa na pumayat ayaw lang ata talaga ako pagbigyan ni Lord sa wish ko. Hay katulad ngayon ang dami ko na naman nakain. Tulong! Kailangan ko ng tulong nyo para makapagpigil na ako sa pagkain ko.

Sunday, May 23, 2010

Magulong isip

Masama bang matuwa after mo makasama yung kaibigan. Siguro sasabihin nyo hindi, pero pano kung lalaki yung nagpapasaya sa akin. Hay eto na naman ako sa kanya, ngayon ko lang siya nakasama ulit pero ang saya saya ko. Bakit ganun, hindi ko alam itong nararamdaman ko e. Alam ko mali ito pero anong magagawa ko kung eto ang nararamdaman ko. Inlab na nga ba ito o natutuwa lang ako sa kaniya.

Monday, May 10, 2010

Botohan 2010

Ako na ang bumoto. Inabot lang naman ako ng halos dalawang oras sa pila bago makaboto. Paano ba naman inuna lahat ng senior citizen, oo nga at matatanda na sila kaso naman after 48 years pa sila bago matapos. Sana ba ay kunwari 3 senior at 3 na mga ordinary voters. Ang gulo talaga ng sistema. Mukhang hindi napaghandaan ang botohan talaga at parang trial and error ang dating lang ng botohan.

Naexcite naman ako sa pcos machine. Habang pinapasok ko ang papel sa machine kinakabahan ako na excited baka kasi mag-error, nakakahiya. Haha.

Well sana lang iboto ng mga tao ang karapat dapat mamuno sa ating bansa. Sana wag silang papadala sa mgagandang advertisement sa telebisyon o kahit saan. Sana maging maayos at malinis ang botohan natin ngayon at sa susunod pang botohan.

Thursday, May 6, 2010

welcome back tambay

Di na ako marunong magphotoshop, ano pa ba ang hindi ko alam gawin. Di na rin ako marunong magblog. Kaawa-awang mia, wala nang alam gawin. Iniisip ko kung saan na ako magaling ngayon. "ISIP" Ah alam ko na magaling na ako mag-admit ngayon ng pasyente. Masyado na ako nilamon ng trabaho ko pati tuloy hobbies ko naaapektuhan. Para na tuloy may kulang sa pagkatao ko.

Babalik na ulit ako. Promise na yan. Totoo na yan. Tambay again, ang tanong hanggang kailan? Ewan ko basta masaya ako kasi may cyber life na ulit ako. Updated na sa latest chika at mga blog wars. Hahaha. :)

Monday, March 1, 2010

Duty


Ganito ba talaga pag nagduduty sa gabi kung ano ano ang naiisip ko. Hay. Super toxic kami kanina, parang gusto ko na lumubog sa lupa. Akalain mo ano oras na, may patient pa rin kami. Hay napapagod na ako talaga. :(


- Posted using BlogPress from my iPhone